Estratehiya sa pagkatuto, pakikilahok, at ugaling pampaaralan : isang modelong kawsal sa pagganyak sa pagbasa ng mga mag-aaral /
Abstract
Ang pananaliksik na ito ay may layuning matukoy ang pinakaangkop na modelo ng
pagganyak sa pagbasa ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa
Rehiyon XII. Ang mananaliksik ay gumamit ng stratified random sampling na
tumukoy sa 400 na mga kalahok mula sa iba’t ibang Sangay ng Cotabato,
Koronadal, Sultan Kudarat, General Santos, at Kidapawan. Deskriptibong kawsal
na desinyo ang ginamit sa pananaliksik. Apat na istandardisadong adapted
questionnaires ang ginamit sa pagkalap ng datos. Ang mga datos na nakalap sa
mga lebel, ugnayan, impluwensiya at pinakaangkop na modelo ay tina-tabulate,
sinuri, at binigyang kahulugan gamit ang mga istatistikang: mean, Pearson
Product Moment Correlation, Multiple Regression at SEM. Lumabas sa
pananaliksik na ang mga kalahok ay may mataas na lebel sa estratehiya sa
pagkatuto at pakikilahok sa pagganyak sa pagbasa na nangangahulugang
madalas namamasdan. Samantalang may katamtamang lebel naman sa ugaling
pampaaralan na nangangahulugang bihirang namamasdan. Natuklasan ding ang
tatlong baryabol na estratehiya sa pagkatuto, pakikilahok, at ugaling pampaaralan
ay may makabuluhang ugnayan sa pagganyak sa pagbasa. Kaya, hindi tinanggap
ang null haypotesis. Gamit ang stepwise regression, ipinahihiwatig na ang tatlong
exogenous na baryabol na nabanggit ay nakaiimpluwensiya sa pagganyak sa
pagbasa ng mga mag-aaral. Sa limang mga alternatibong modelong nabuo,
lumabas na ang modelo 5 ang pinakaangkop na pinapalooban ng estratehiya sa
pagkatuto: estratehiyang pangmemorya at estratehiyang metakognitib;
pakikilahok: pangkabatirang pakikilahok at pagkagusto sa pagkatuto; ugaling
pampaaralan: pagsubok at pagibigay-punang gawain, pagtuturo; at pagganyak sa
pagbasa: bisa sa pagbasa, hamon sa pagbasa, kuryusidad sa pagbasa,
pagkalibang sa pagbasa, pagsunod, pagkilala sa binasa at pagbabasa para sa
grado.
Mga Susing Salita: edukasyon, estratehiya sa pagkatuto, pakikilahok, ugaling
pampaaralan, at pagganyak sa pagbasa, sem, Pilipinas